Today is Wednesday, July 26, 2017
  
 

Isang Taon, Pagbabalik-Tanaw

By Elizabeth L. Sorianosos


Mahigit isang taon pagkaraang maluklok ang mga opisyales ng ACAE, anu-ano na nga ba ang mga nagawa nila para sa mga rank-and-file na kawani ng Court of Appeals? Tayo’y magbalik-tanaw. . .

Nang ang mga bagong opisyales ng ACAE ay naupo noong Hunyo 14, 2007 pagkaraang mag-eleksiyon nung Mayo 28, 2007, ang pondo ng Asosasyon sa bangko ay P14,000.00 lamang. Ang membership dues ng bawa’t kasapi ay P2.00 bawa’t buwan at ito ay kinokolekta nang minsanan tuwing katapusan ng Disyembre o sa halagang P24.00 bawa’t kasapi. Ang bilang ng kasapi ay humigit-kumulang sa anim na raan.

Noong Nobyembre at Disyembre 2007 ay naganap ang Tiangge Part 1 and Part 2 sa ating Auditorium, na naging daan upang ang ACAE ay kumita ng P20,000.00 mula sa pagpapa-upa ng mga stalls sa mga participant na pawang mga kawani din ng CA. Samantala, noong kapaskuhan, ang ACAE ay naatasan ng Christmas Program Chairperson na si Justice Magdangal M. de Leon na maging kabalikat ni Justice Ricardo R. Rosario para sa Games and Prizes. Bagama’t walang panauhing artista, naging napakasaya ng nasabing Christmas program dahil sa malalaking papremyo na nalikom at ipina-raffle.

Pagpasok ng 2008 ay muling naging abala ang lahat sa pamumuno ni retired Justice Agustin M. Dizon para sa ika-72 Anibersaryo ng Court of Appeals noong Pebrero 1. Dahil sa mga “austerity measures”, walang mga artista o singers na inanyayahan. Gayunpaman, nagmistulang star-studded din ang pagdiriwang. Ang ACAE ay naatasang magdaos ng isang Singing Contest na kung saan si Bb. Margie de Vera na dating staff ni retired Justice Marina Buzon ang itinanghal na grand prize winner. Marami ang humanga sa talento sa pag-awit ng mga naging kalahok at masasabing ang patimpalak na ito ang isa sa mga nagbigay-buhay sa pagdiriwang, bukod sa tradisyonal na pa-raffle para sa mga kawani.

Noong Marso 28, 2008 ay nagdaos ng pabingo ang ACAE upang gunitain ang ika-21 taon nitong pagkakatatag. Ang mga bingo tikets na naibenta sa halagang P50.00 bawa’t isa at ang mga papremyo ay umabot sa halagang P30,000.00. Ang sumobrang kita ng Bingo ay ibinalik sa lahat ng mga kasapi sa halagang P30.00 bawat isa. Kung susumahin, ito ay mahigit pa sa P24.00 na annual dues na kanilang binayaran para sa taong 2007. Pagkatapos ng Bingo Social ay naging abala naman ang ACAE sa paghahanda para sa taunang Team Building ng mga kawani. Muli, ito ay matagumpay na naisakatuparan noong Mayo 17, 2008 sa Blue Syl Resort sa Pansol, Laguna na kung saan humigit-kumulang sa 200 kawani ang sumama.. Bagama’t may bagyo noon ay tila nakisama ang panahon sa kasayahan at walang naranasang pag-ulan habang ang lahat ay nag-eenjoy sa paglangoy sa private pool na ipinareserba para sa okasyong iyon. Ang pagtitipon ay lalo pang pinatingkad ng pagdalo ng ating minamahal na Presiding Justice na walang sawang nakihalubilo sa lahat ng kawani na naroroon ng halos sa buong maghapon.

Noong ang bansa ay magsimulang makaranas ng krisis sa bigas, kaagad na nakipag ugnayan sa NFA ang ACAE upang ang mga kawani ay madalhan at mapagbilhan ng tigalawang kilo ng bigas bawa’t isa.

Nuong Hunyo 19, 2008 ay bumisita sa Court of Appeals ang mga representatives ng PAGIBIG Housing upang magdaos ng half-day seminar kung saan lahat ng katanungan ng mga kawani ukol sa pagkakaraon ng sariling bahay ay kanilang sinagot. Noong buwan ding yaon ay naisakatuparan ang 2008 CA Basketball Tournament sa pangunguna ni Justice Normandie Pizarro. Naging matagumpay ang nasabing palaro kung kaya’t bukod sa basketball ay may mga plano ding magdaos ng mga palaro sa iba pang larangan.

Sa pangunguna ni Justice Portia Aliño-Hormachuelos bilang Chairman ng Employees Welfare Committee at ni Justice Remedios Salazar-Fernando bilang Chairman ng Provident Fund Committee, ay may partisipasyon din ang ACAE sa kasalukuyang pag-aaral sa posibilidad ng pagkakaroon ng Court of Appeals ng Health Care Provider katulad ng sa Supreme Court at Sandiganbayan. Ito ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pagpapagamot kung saan ang P50,000.00 benefit mula sa CA Health and Welfare Plan ay karaniwang di sumasapat. Isa pang dahilan ay ang hindi pag-rerenew ng CA ng Memorandum of Agreement (MOA) sa Manila Doctors Hospital sa kadahilanang ayaw pumayag ng naturang ospital na di tayo mag-post ng bond sa halagang P200,000.00. Gayunpaman, patuloy pa rin ang ating MOA sa PGH pagkatapos na ito’y ma-renew. Kasalukuyan ding pinag-uusapan ang pagtatayo ng isang kantina na ang CA mismo ang magpapalakad. Sa kadahilanang ito ay naatasan ang ACAE na magsagawa ng survey ukol sa pulso ng mga kawani sa ideyang ito.

Tunay na marami na ang naganap buhat nang ang bagong ACAE officers ay manungkulan – mga proyekto, selebrasyon at noong kamakailan lang, isang malaking kontrobersiya na yumanig sa institusyon na ating pinaglilingkuran. Sa kabila ng lahat ng ito, nananatiling naririto ang ACAE na walang sawang maglilingkod hindi lang sa mga kawani, kundi pati na rin sa institusyong siyang dahilan kung bakit tayong lahat ay naririto - Ang COURT OF APPEALS.




{themseting}
Copyright © 2016 Court of Appeals Website
Designed, developed and maintained by the MIS Division


Make fonts bigger. Make fonts smaller. Return fonts to normal size. Open printer friendly version of this document.